Natapos na ang pagdiriwang ng pasko. Kumusta ang noche buena? Ano-anong pagkain ang naihanda ninyo? Sa taas ng bilihin ngayon, suwertihan na kung makapaghanda ka ng ulam na may baboy o baka. Hindi kasi mapagkakailang mabigat sa bulsa ang pagtaas ng mga bilihin ngayon, lalo na kung sasapit ang pinakahihintay mong selebrasyon sa buong taon.

Nitong nakaraan, nakapanayam ko si Undersecretary Ruth Castelo ng Department of Trade and Industry Consumer Protection Group. Ayon sa kanya, nagtaas talaga ang presyo ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan. At dahil magpapasko na, naitanong ko tuloy sa kanya kung magkano ang badyet para makapagdaos ng noche buena. Iminungkahi niya ang noche buena package na nagkakahalaga ng isang libo at limang daang piso. Kung isang libong badyet, may jamon de bola ka na, tasty, pang-ispageti at salad, at isang litro ng softdrink. Kakasya raw ito sa pamilyang may lima pataas na miyembro. Sa limang daan naman, may pagsasaluhan na ang apat hanggang limang katao. Ang kaso, American ham na lang imbes na jamon de bola, ang tasty naging pandesal, may pang-ispageti at salad na rin kaso walang panulak.

Ito ang mga suhestiyon nilang produkto. Bagaman ito na ang pinakamura ayon sa inilabas nilang noche buena price guide, paano kung hindi sila pasok sa panlasa mo? O ‘di kaya ay hindi mo gusto ang mga produkto? Kung ibang brand sa price guide ang bibilhin, maaaring sumobra ka na sa limang daan na badyet dahil magkakaiba ang presyo at sabay-sabay na tumaas. Paano rin kung marami kumain ang mga kapatid mo? Sasapat pa rin nga ba ang limang daan o isang libo?

Kung tutuusin, may mga iba ka pang dapat bilhin. Paano ka nga naman makakapagluto kung walang mga rekado? Samakatuwid, may mga hindi pa rin maiiwasang gastos. Sibuyas, halimbawa, nagkakahalaga na ito ngayon ng tatlong daan o higit pa kada kilo ayon sa huli kong napanood na balita. Isama na rin ang mantika, ibang pampalasa, at kalan at LPG para makapagluto. Lahat ng mga ito ay nagtaas na ng presyo. Kung gano’n, magkano na ang magagastos mo sa lahat-lahat? Depensa naman nila, dumiskarte na lang dahil mayroon naman daw tayong ibang sangkap sa mga bahay natin gaya ng mga rekado. Paano kung wala tayong naitabi? Wala ring magagawa kung hindi bumili. At sa mahal ng presyo ng sibuyas, dapat kasama ito sa pangkalahatang gastos.

Kailan nga ba maabot at makakaya ang ‘abot-kayang panghanda’? Kung kailangang dumiskarte, bakit pa ito tinawag na abot-kaya? Para sa akin, ang panawagan ng DTI tungkol sa diskarte ay isang insulto sa ating mga Pilipino. Hindi dahil hindi naging magarbo ang selebrasyon natin, kundi dahil 𝘥𝘦𝘴𝘦𝘳𝘷𝘦 nating maghanda ng mga pagkaing masasarap at sapat para sa ating pamilya. Lalong karapatan din nating humingi ng konkretong solusyon mula sa gobyerno tulad ng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa, pagbibigay ng tulong-pangkabuhayan at pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo. Kung natutugunan lang ang lahat ng ito, hindi na sana napagtalunan maski ang badyet sa noche buena. At hindi sana napilitang magtipid ang iba. Kagaya ng panawagan ng mga grupong pang-masa, hindi dapat mabuhay sa kasanayang magtiis at makuntento ang mga mamamayan—dahil gobyerno ang may pananagutan sa mga lumalala nating problema lalo na ngayong pumalo na sa 8% ang inflation rate ng bansa.

Gayunpaman, mas masaya kung maraming handa ang pagsasaluhan ng bawat pamilya, hindi ba? Hindi naman ibig sabihin na maraming handa ay magarbo na ang selebrasyon. Masarap din naman ang spaghetti na may hotdog o kahit sibuyas man lamang. At masaya ang pasko kung busog ang bawat isang miyembro, ito na siguro ang pinakapapawi sa pagod natin sa buong taong pagkayod at pagtitiis.

Opinyon ni Kyle Crispino
Layout ni Julianne Alerta