May mga gabing pundido na ang ilaw ng pagtitimpi ko. Hikaos na ang dating malalakas na dibdib. Ang mga binti ko’y markado na ng ilang hagdang binabatak paakyat ng footbridge, pakikipagsapalaran sa kumpol ng tao sa tren, at ilang patayang oras sa paghihintay ng bus para makauwi mula sa opisina.

Umiikot lang ang maghapon ko sa trabaho, bahay — pag-uwi sa tatlong pusang inampon mula sa maruming lansangan ng Recto — at sa iyo.

Sa mayumi mong boses na nanghehele ng pagod.

Sa mga malalambot mong bisig na nagpapaala sa’kin na nakauwi na ako, ligtas at payapa, ang tanging kumakalma sa nagbabadya kong pagsabog.

Alam mo naman siguro, ipinanganak akong may galit sa mundo. Noong isinilang ako ni mama, hindi ata iyak ang unang tugon ko sa kanila kundi malalim na buntong hininga, dismayado na agad sa kung anumang ilalahad ng buhay. Bakas ito sa kinagisnan kong tahanan — sa tagpi-tagping parisyong kahoy at yerong kisame, sa maalikabok na papag, at sa apat na sulok ng kwartong nakikinig sa musikang naglalaman ng maanghang na mura at walang hanggang sumbatan.

Kung ang iba ay lumaki sa mga manika, robot, plastik na kotse, at sa presensya ng mga kalaro, lumaki naman akong nakikipaglaro sa emosyon ng lalaking unang nagturo sakin kung paanong ang pagtaas ng boses ay nangangahulugang makapangyari. Kung magiging taya ako sa langit-lupa ay agad ko nang aakman ng suntok ang huhuli sa akin. Ganoon raw iyon, ang sabi ni ama: hindi ko kailangang makibagay sa kanila kung ako naman ang dapat sundin.

“Ba’t di mo kaibiganin ang anak ni mareng Juli?” may multo ng pag-aalala sa boses ni mama nang maulinigan niya ang bulung-bulungan sa tindahan ni Aling Juli, ang kumpulan ng mga nanay at matatandang walang ibang pinagkakaabalahan kundi gawing diskusyon ang buhay ng iba kahit pa ng bata. Kumukunot uli ang noo ko ‘pag naiisip iyon at natatawa sa realisasyong iyon pala ang unang impresyon ko sa iyo, anak ng chismosa.

Pagtungtong ng elementarya, bagama’t limitado pa rin ang pananaw, klaro na sa akin ang napapadalas na hindi pag-uwi sa bahay ni papa. Panandaliang dumadalaw ang kapayapaan sa amin tuwing wala siya. Wala nang nagbabasag ng baso’t plato kapag nagagalit. Hindi na rin umuugong ang kulog ng singhal mula sa taong gustong laging pakinggan ngunit hindi naman marunong makinig.

Hanggang sa isang gabi, hindi na siya muling bumalik. At kahit pa tuluyan na siyang lumisan, may naiwan pa ring multo ng presensya niya na naka-imprente sa mismong pagkatao ko; sa gumugulang kong pag-iisip na unti-unting humuhulma para maging kawari ni papa, sa bawat kilos at gawing hindi man dinadamayan ng sigaw at mura ay nagpapahiwatig pa rin ng pagsabog.

Iyon marahil ang dahilan kung bakit sanay akong mapag-isa. Ang turo ni mama, mas mainam nang kimkimin ko ang galit kaysa magwala; maghagis na naman ng bangkuan sa kaklase kong nag-iingay o sumagot nang pabalang sa gurong kinaiinisan ko. 𝘏𝘶𝘸𝘢𝘨 𝘯𝘢 𝘩𝘶𝘸𝘢𝘨 𝘬𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘶𝘵𝘶𝘭𝘢𝘥 𝘴𝘢 𝘢𝘮𝘢 𝘮𝘰!

Kasabay ng pagkimkim ay nabuo ang ugali kong maging sakim. Tuwing recess, ine-enjoy ko ang baong niluto ni mama, masyadong marami para maubos ko dahil ibinilin niyang ibahagi ko raw ito sa iba. Hindi sya estranghero sa makasarili kong katangian ngunit anong magagawa niya kung hindi buo ang konsepto ko ng pamimigay, ang alam ko lang ay umangkin at magmay-ari. Kadalasan pa ng mga bagay na hindi naman sa akin.

Nang minsang mahuli ako sa klase, naabutan kong may iba nang nakaupo sa paborito kong silya. Hindi kasi sira ang tabla nito kaya nakapagsusulat ako nang maayos. Minarkahan ko na nga ito ng initial ko sa unahang bahagi ngunit ano’t may naglakas loob pa ring gumamit nito maliban sa akin. Sa sandaling iyon, nakalimutan ko ang laging paalala ni mama.

𝘛𝘢𝘣𝘪.

𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵? 𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘴𝘢’𝘺𝘰 ‘𝘵𝘰 𝘢𝘩!

𝘈𝘢𝘭𝘪𝘴 𝘬𝘢 𝘰 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪?

𝘔𝘢𝘮𝘢 𝘮𝘰 𝘢𝘭𝘪𝘴!

𝘈𝘩, 𝘨𝘢𝘯𝘰𝘰𝘯 𝘢𝘩! Isang suntok at isang linggong suspension sa klase na may kasamang community service. Maswerte na nga akong hindi ako pinatalsik sa paaralan dahil sa pagmamakaawa ni mama sa magulang ng kaklase kong iyon kahit umuwi siyang may pasa sa pisngi.

Pagbalik ko sa klase, hindi siya nakatikim ng “sorry” mula sa akin. Siya pa ang nagbalik ng paborito kong upuan kasabay nang pangakong hindi na niya ako muling sasawayin. Kita mo? Hindi ko kailangang ibaba ang galit ko o humingi ng tawad sa pagwawala. Anong magagawa ko kung hindi naman naituro sa akin ni papa kung paano magsisi?

Ngunit mapag-usig talaga ang konsensiya. Pinapadala ito ng Diyos sa iba’t ibang paraan; sa ilang oras na pangaral ni mama, sa nanghuhusgang titig ng mga kaklase ko’t guro, at minsan sa anyo ng isang taong ang katangian ay daang libo ang layo sa akin para magsilbing paalala ng aking kabaluktutan.

Naalala ko tuloy nang una tayong magkausap, sa likod ng Amorsolo building no’ng 3rd year. Madamo’t maputik ang ilang bahagi nito, malapit kasi sa parte ng school na hindi pa natatayuan ng ibang gusali. Ang bungad ko pa sa’yo noon ay pagalit na tanong, “Anong ginagawa mo rito?” nang makita kitang naihi sa puno ng mangga, ang tambayan ko para humithit ng yosi.

Madali mo namang inayos ang zipper mo sabay yuko at usal ng, “Sorry, pre!” na para bang may hinuha ka na sa init ng ulo ko. Hindi ko alam, baka nabilin na rin ni Aling Juli sa iyo na huwag akong galitin.

At hindi ko alam kung dahil ba sa suot mong salamin, sa bangs mong tinatakpan ang kabuuan ng noo mo, sa mata mong nangungusap na huwag kitang patulan, kasabay ng nanginginig mong boses, ang nagtulak sa akin para makaramdam ng pagsisisi. Sa unang pagkakataon, natunaw ang minana kong galit kay ama.

𝘛𝘦𝘬𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨. 𝘏𝘶𝘸𝘢𝘨 𝘬𝘢 𝘮𝘶𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘶𝘮𝘢𝘭𝘪𝘴. 𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘰 𝘴𝘢𝘥𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘵𝘢𝘢𝘴𝘢𝘯 𝘬𝘢 𝘯𝘨 𝘣𝘰𝘴𝘦𝘴.

𝘈𝘩, 𝘸𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘴𝘰 𝘴𝘢 𝘢𝘬𝘪𝘯. 𝘔𝘢𝘴 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘬𝘢𝘵𝘢𝘬𝘰𝘵 𝘱𝘢 𝘳𝘪𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘪𝘨𝘢𝘸 𝘯𝘪 𝘚𝘪𝘳 𝘈𝘭𝘧𝘳𝘦𝘥.

Tawanan.

Inabot ko ang yosi na siya namang tinanggap mo. Pinanood kita kung paano ka manigarilyo, nanginginig pa ang daliri mo nang ilapit mo ito sa bibig, pagkatapos ay naubo ka sa usok. Niloloko mo ata ako eh, hindi ka naman pala marunong. Tumawa uli ako, iyon siguro ang unang beses na may hinayaan akong pumasok sa sarili kong bula.

Nasundan pa ang engkwentro nating iyon. Tuwing recess, nahuhuli ko ang sariling nasasabik na makakwentuhan ka uli. Tungkol sa pamatay na turo ni Sir Alfred sa Algebra at Physics, sa pagkayamot ko sa maiingay kong kaklase, maski sa panis na hotdog sa canteen, pinapatos natin para lang may mapag-usapan. Ramdam mo rin ba noon ang pagnanais kong pahabain ang oras na magkasama tayo?

𝘕𝘢𝘬𝘢𝘬𝘢-𝘣𝘢𝘥𝘵𝘳𝘪𝘱 𝘵𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢, 𝘢𝘬𝘰 𝘯𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘭𝘢𝘨𝘪 𝘯𝘢𝘨𝘭𝘪𝘭𝘪𝘯𝘪𝘴 𝘯𝘨 𝘬𝘶𝘣𝘦𝘵𝘢 𝘬𝘢𝘩𝘪𝘵 𝘥𝘪 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘢𝘬𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘤𝘭𝘦𝘢𝘯𝘦𝘳𝘴 𝘵𝘶𝘸𝘪𝘯𝘨 𝘏𝘶𝘸𝘦𝘣𝘦𝘴. 𝘎𝘶𝘴𝘵𝘰 𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘯𝘢𝘬𝘪𝘵. 𝘎𝘶𝘴𝘵𝘰 𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘴𝘶𝘮𝘪𝘨𝘢—

𝘌 ‘𝘥𝘪 𝘪𝘴𝘪𝘨𝘢𝘸 𝘮𝘰.

Walang bahid ng panghuhusga sa presensya mo. Kaya kong magalit nang malaya dahil kaya ko na ring kumalma. Pinaalala mong hindi permanente ang mapanghamak kong emosyon, kailangan ko lang silang ilabas nang hindi nakasasakit. Napagtanto kong ang galit na bitbit ko simula pagkabata, bagamat hindi tuluyang nawawala, ay maaari naman palang mapawi basta’t may nakikinig.

May kakayanan rin pala akong manawagan ng ibang damdamin maliban sa galit. Kaya ko rin palang maging masaya lalo na tuwing kukwentuhan mo ako tungkol sa isang dosenang pusang inampon niyo ni Aling Juli. Kabisado ko pa rin hanggang ngayon ang kulay at pangalan nila. Kaya ko rin palang malungkot ‘pag nagtatampo ka at hindi tayo magka-usap. Kaya ko rin palang panabikan ang mga linggong aayain mo akong mag-aral ng Algebra at Physics, pagkatapos ay magsisimba o maglilibot sa plaza. Kaya ko rin palang makibahagi, mamigay ng parte ng buhay ko sa taong handang tumanggap nito.

At sa kabila ng kabalasikan ng pagkatao, kaya ko rin palang magmahal at mahalin din.

Ngayong namamahinga tayo sa iisang bubong, ang buhay natin ay umiiral lamang sa musika ng pagmamahal, pasensiya, at pagpapatawad. Ang bawat pag-uwi ko sayo ay kapayapaan. Hahawiin mo ang mga takas na buhok na dumadantay sa noo kong may permanenteng lukot, hahaplusin ito nang marahan kasabay nang mariin na paghalik sa aking pisngi, “pahinga ka na.”

At ngingiti ako. Unang ngiti ko sa maghapon. 𝑯𝒊𝒏𝒅𝒊 𝒏𝒂𝒎𝒂𝒏 𝒑𝒂𝒍𝒂 𝒍𝒂𝒈𝒊𝒏𝒈 𝒏𝒂𝒌𝒂𝒈𝒂𝒈𝒂𝒍𝒊𝒕 𝒂𝒏𝒈 𝒎𝒖𝒏𝒅𝒐.

Isinulat ni Erica Ildefonso
Likhang gawa ni Precious Regaspi