What is not a scam but feels like a scam? Para sa akin ‘yan ang programang Brigada Eskwela ng DepEd.
Pamilyar ka ba sa Brigada Eskwela? Nasubukan mo na bang makibahagi dito sa pamamagitan ng paglilinis sa classroom o pag-dodonate ng pintura, walis, floor wax at iba pa?
Ang Brigada Eskwela ay isa sa mga programa ng Kagawaran ng Edukasyon tuwing malapit na ang pasukan sa mga pampublikong paaralan. Ito ay isang linggong aktibidad kung saan nagtitipon ang mga education stakeholders gaya ng mga guro, magulang, at mag aaral upang maglaan ng kanilang oras para linisin at ayusin ang mga silid-aralan at ibang pasilidad ng paaralan at pagbibigay ng resources para tumulong sa paghahanda sa pagbabalik-eskwela.
Ang naturang programa ay nakasentro sa diwa ng “bayanihan” at “bolunterismo”. Ayon sa Vice President at DepEd Secretary na si Sara Duterte, isang panawagan sa espiritu ng bayanihan at bolunterismo sa bawat pilipino na tumulong sa paghahanda ng mga paaralan para sa pagbubukas ng mga klase upang matiyak ang isang malinis, ligtas, inklusibo, at child-friendly na kapaligiran sa pag-aaral para sa mga mag-aaral at teaching at non-teaching staffs.
Ngunit sa loob ng 20 taong pagtutulungan at kooperasyon ng mga mamamayan, nasanay na ang taumbayan sa kalakarang ito kaya nakalimutan na nilang kwestyunin kung responsibilidad ba nila ito sa simula pa lamang. Ang masaklap pa, parang naging responsibilidad na ito ng mga magulang lalo na ng mga guro taon-taon.
Noong kasagsagan ng Brigada Eskwela, Agosto ngayong taon, maraming guro ang kumatok sa puso ng mga netizen para sa donation para sa pag-renovate ng classrooms bilang paghahanda sa paparating na panuruang taon. Ilan sa kanila ang nag-post ng “BRIGADA ESKWELA: #PISO GCASH CHALLENGE” para manghingi ng ilang halaga para maisaayos at gawing presentable ang kanilang mga classroom. May mga guro din na nanghihingi ng donasyon mapa-school supplies o pintura. Dahil walang pondong inilaan para sa Brigada Eskwela, napipilitan silang gumawa ng mga paraan para masiguradong ang kanilang mga estudyante ay magkakaroon ng conducive learning environment.
Mahigpit ding ipinagbabawal ng DepEd ang solicitation ng mga volunteers o stakeholders tuwing Brigada Eskwela alinsunod sa DepEd order no. 062, s. 222. Ngunit, kung walang pondo para dito at hindi maaaring mag solicit ang mga stakeholders, saan manggagaling ang budget para sa pagsasaayos ng mga paaralan?
Kung tutuusin, responsibilidad dapat ng pamahalaan ang paghahanda sa mga paaralan. Hindi dapat ito naipapasa sa mga guro at pribadong mamamayan. Hindi rin dapat sa kanila nakaatang ang responsibilidad na kumalap ng pondo, lalo na ang mga guro.
Sa lahat ng miyembro ng education stakeholders, nasa guro ang pinakamabigat na responsibilidad tuwing Brigada Eskwela. Bagaman hindi sila required na kumilos at gumawa ng labor, wala silang ibang aasahang gumawa ng pagpipintura at paglilinis sa classroom, pagkukumpuni ng mga sirang upuan, at iba pang gawain sa paghahanda sa pagbabalik-eskwela. Kung gusto nilang kumuha ng trabahador gaya ng karpintero, walang silang choice kung hindi saluhin ang trabaho dahil walang silang natanggap na pondo para sa ipambabayad sa upa kapalit ng labor.
Ang mas nakakalungkot pa, madalas ay sariling pera ng mga guro ang ginagamit nila para pagandahin ang mga classroom. Pinagkakasya nila ang kanilang maliit na sahod na hindi justified sa bigat ng kanilang workload para ipambili ng materyales.
Kahit hindi rin sila required na pagandahin at ayusin ang mga classroom, kinakailangan pa rin nila itong gawin dahil nagkakaroon ng classroom observations ang mga school heads o principals at kasama ang physical appearance at environments ng classrooms sa kanilang assessments.
Sa kanilang banda, hindi naman maipagkakaila na may matatanggap pa rin na benepisyo ang mga guro sa pagboluntaryo para sa Brigada Eskwela. Ayon sa DepEd Order No.021, s. 2023, makakatanggap ang mga guro ng service credit sa kada araw (o 8 hours) ng pagboboluntaryo nila. Maaring magamit ang service credit kapag nag-file ng sick leave ang isang guro (o ang kanilang immediate family) para hindi ito makaltas sa kanilang sweldo.
Ang service credit ay nakukuha kapag ang isang guro ay nakilahok sa Brigada Eskwela, nagsilbing Board of Election Inspectors (BEI) tuwing eleksyon, kapag sila ay nagtrabaho sa araw ng Sabado at Linggo para dumalo ng mga korikular na gawain/aktibidad na inaprubahan ng DepEd, pumasok sa araw ng holiday, at iba pa. Ngunit ang mga benepisyong ito kapalit ng walang sawang kapaguran nila para gawin ang trabahong hindi naman dapat nila ginagawa ay hindi sapat. Makatanggap man lamang sila ng bonus para sa oras at pagod na inilaan nila.
Kamakailan lang, naging sentro ng kontrobersiya ang P150 million DepEd confidential at intelligence funds para sa budget ng ahensya sa taong 2024. Ayon kay Duterte, may basehan daw ang proposed budget, ngunit sa mga nagdaang hearing tumanggi siyang magbigay ng mga detalye ukol dito. Walang malinaw na sagot kung saan gagamitin ang ganito kalaking pera. Walang transparency. Kung titingnan may kapasidad ang ahensya na maglaan ng napakalaking pondo kahit wala itong walang audit o disclosure sa publiko, ngunit wala silang nilalaan sa pagpapatayo at pagpapaayos ng mga silid-aralan tuwing magpapasukan. Hanggang ngayon, napakarami pa ring eskwelahan ang kulang sa classrooms, electric fan, at iba pang gamit.
Maganda ang layunin ng Brigada Eskwela dahil isa ito sa mga paraan para masiguradong handa ang mga paaralan para sa darating na panuruang taon. Naipaparamdam din nito sa mga stakeholder volunteers (mga magulang, LGU, komunidad, pribadong sektor o volunteers) na parte sila ng paaralan. Ngunit hindi dapat pasanin sa mamamayan ang pagsasaayos ng mga classroom. Dapat gawin ng pamahalaan ang kanilang tungkuling magbigay ng dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.
Hindi maitatago sa diwa ng bayanihan at bolunterismo ang kakulangan ng DepEd sa serbisyo lalo na ang lumalalang krisis sa edukasyon sa bansa.