Ilang araw na lang bago ang deadline ng SIM card registration. Nakapagparehistro ka na ba ng SIM card mo? Kung oo, may mga pagbabago ba simula nang nagparehistro ka? Nabawasan ba ang mga text message na natatanggap mo mula sa unknown numbers? Kung hindi naman, ano pang pumipigil sayo para magparehistro?

Ika-27 ng Disyembre ng nakaraang taon nang magsimulang ipatupad ang Republic Act 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act, na nag-aatas sa mga mamamayan na iparehistro ang kanilang mga SIM card. Sa ilalim ng batas, ang mga gumagamit ng mobile device, prepaid man o postpaid ay dapat magparehistro ng kanilang mga SIM cards. Sa pagpaparehistro, ang mga sumusunod na personal na impormasyon o detalye ang kinakailangan: pangalan, address, araw ng kapanganakan, kasarian, trabaho, at larawan. Kinakailangan din magpresenta ng mga dokumento bilang patunay ng pagkakakilanlan sa pamamagitan ng government-issued identification (ID) card gaya ng passport, driver’s license, o voter’s ID.

Matapos ang higit tatlong buwan simula nang magkabisa ang nasabing batas, naging matagumpay ba ang pamahalaan sa pagpapatupad nito?

Bago pa man din ito maipasa, nakatanggap na ito ng negatibong reaksyon mula sa mga mamamayan. Ang pangunahing concern ay ang pagbibigay daan nito sa state surveillance at paglabag sa privacy ng data. Mailalagay nito ang kalayaan sa pagpapahayag o ang freedom of expression ng mga Pilipino sa panganib. Pangalawa, dahil may access ang pamahalaan sa personal at pribadong impormasyon, mawawalan ng kalayaan sa pagbibigay ng lehitimong kritisismo (legitimate dissent).

Matatandaang nagkaroon din ng ilang aberya sa mga unang araw nito at reklamo hinggil sa nilalaman ng batas. Sa isang ulat ng Philippine Information Agency, naglabas ng pahayag ang National Telecommunications Commission (NTC) at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) tungkol sa tumataas na bilang ng panloloko. Sa kanilang pahayag, pinaalalahanan nila ang publiko na doblehin ang pag-iingat laban sa mga scammer na ginagawang modus ang pag-aalok ng libreng assistance sa pagrerehistro ng SIM card sa pamamagitan ng link na pinapadala sa email at text message gayundin sa mga post sa Facebook. Kapalit ng pagtulong sa pag-sign up, hihingi ng halaga ang mga scammer. Dagdag pa na posible nilang gamitin ang personal na impormasyon ng user sa ibang bagay.

Kung iisipin, kwestyonable ang pagpasa ng batas nang kulang sa kahandaan at preparasyon. Sa unang mga araw ng SIM registration, naging pahirapan ang pag-register dahil sa technical issues. Marami ang nahihirapan sa pag-access ng servers dahil sa pag-crash ng mga portal. Pangalawa, hindi malinaw ang ibinigay na registration period para sa mga subscribers. Mula sa naunang inanunsyong deadline na Hunyo 27, inilipat ito ng DICT sa Abril 26, mas maaga nang dalawang buwan. Ito marahil ang rason kung bakit marami ang nag-panic sa pagpaparehistro ng kanilang mga SIM card.

Sa kabilang banda, mahusay ang ginawang hakbang ng pamahalaan at telecommunication companies na magkaroon ng satellite registration o magtayo ng SIM registration booths sa mga lugar sa Kalakhang Maynila upang tulungan ang mga indibidwal na nahihirapan sa pag-enlist ng kanilang mga mobile number. Ngunit, paano naman ang nasa malalayong kanayunan? Paano sila nakapagparehistro sa kabila ng problema sa internet connection? Isa ito siguro sa mga dahilan kung bakit milyon-milyong magsasaka at mangingisda ang hindi pa ganap na rehistrado ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Nitong Biyernes, April 21, sinabi ni NTC Deputy Commissioner John Paulo Salvahan na nasa 75 milyong SIM cards pa lamang ang nakarehistro noong April 20. Ito ay katumbas ng 45 porsiyento ng 168 milyong SIM cards sa buong bansa. Kung tutuusin, wala pa ito sa kalahati. Dahil dito malinaw na nangangailangan ng extension sa deadline ng pagpaparehistro. Bagaman nasabi ng NTC na hindi target ng pamahalaan ang isang daang porsiyento ng pagpaparehistro ng SIM cards, bakit higit tatlong buwan lang ang itinakdang haba ng deadline? Sa bansang katulad ng Pilipinas na patuloy na hinaharap ang problema sa internet, maiksi ang panahong ibinigay ng gobyerno. Sa ibang bansa ay mayroon silang isa hanggang dalawang taon upang makapag-register ng SIM. Bukod dito, naging pahirapan din ang pagpaparehistro dahil sa kawalan ng government-issued IDs ng users ayon sa ilang telecommunication companies.

Mula sa mga aberya nang magsimulang maipatupad ang batas hanggang sa mga problemang kinakaharap ng users sa pagpaparehistro tulad ng mahinang internet connection at kawalan ng government ID, malinaw na kulang sa preparasyon ang pamahalaan sa pagpapatupad ng batas. Hindi rin sapat ang inilaang panahon sa pagpaparehistro. Sa katunayan, bukod sa KMP, nanawagan ang Smart Communications, Globe Telecom, at DITO Telecommunity para sa extension ng registration. Idiniin ng Smart at Globe na kailangan ang pagpapalawig upang makapag-apply ang mga subscriber ng government ID na isa sa mga hinihinging requirements sa proseso ng pagpaparehistro.

Gayunpaman, sana dinggin ng pamahalaan ang hiling ng mga grupo at telecommunication companies na itong ang nakatakdang deadline. Marami nga naman ang mawawalan ng access sa kanilang SIM cards at hindi na nila ito magagamit pa sa anumang transaksyon.

Sa mga posibleng banta naman ng batas, sana ay pangalagaan ng pamahalaan at telecommunication companies ang impormasyong ipinagkatiwala sa kanila ng mamamayan. Ang impormasyon na kailangan ibigay ay dapat confidential dahil maaari itong magamit sa krimen at ibang layunin kapag napunta sa mga maling kamay. Ang digital rights ay karapatang pantao rin. Dapat pangalagaan ang ating karapatan sa pribasiya.

Isinulat ni Czarjs Adriano
Pubmat gawa ni Raiza Feria