Tayong mga Pilipino ay mahilig manood ng telebisyon lalo na ng mga pelikula at teleserye bilang panlibang matapos ang maghapong pagkayod sa trabaho o buong araw na pagsusunog ng kilay sa paaralan. Sa lalim ng ating pagkahumaling sa mga palabas sa telebisyon, kung minsan nga ay nadadala tayo sa mga eksenang napapanood natin; may mga umiiyak, tumatawa at ang iba pa nga ay nagagalit— halo-halong emosyon ang nadarama natin sapagkat nakakarelate tayo sa mga pinagdaraanan sa kwento ng mga karakter.

Marahil ito ang dahilan kung bakit lumalakas ang bugso ng ating damdamin sa mga eksenang napapanood natin dahil paminsan-minsan ay sinasalamin nito ang mga paghihirap na ating nararanasan. Ang mga teledrama ay hindi lamang nagha-highlight sa ating mga indibidwal na suliranin, ito ay repleksyon rin ng mga katotohanang kinahaharap natin sa lipunan. Ang mga ito ay makapangyarihang midyum upang gisingin ang ating mga kaisipan sa mga bagay na hindi tayo ganoong kamulat. Ang teoryang hegemony ni Antonio Gramsci ay nagsasaad na ang mga ideolohiya ng isang indibidwal ay maari rin niyang itanim sa isipan ng iba. Isang halimbawa ng manipestasyon nito ay sa tuwing nakapapanood tayo ng mga palabas sa telebisyon o sa sinehan, dala-dala natin ang mga aral at ideya na nakukuha natin mula rito. Sumasang-ayon tayo sa mga mensaheng ito bagaman mayroon tayong indibidwal na mga interpretasyon. Ang mga teleserye at pelikula ay epektibong paraan upang palaganapin ang pangingibabaw ng iba’t-ibang ideologies ng tao sa lipunan.

Sa mga iba’t ibang teledramang Pinoy na aking napanood, may isang partikular na nagmulat sa aking kamalayan patungkol sa bigat ng mga isyung kinahaharap natin sa lipunan. Ito ay ang katatapos lang at nakawiwindang na teleseryeng Dirty Linen mula sa panulat ni Kay Brondial at Marinel Ilag mula sa direksyon ni Onat Diaz, Andoy Ranay at Raymond Ocampo, sa ilalim ng produksyon ng ABS CBN. Bukod sa matinding drama, sinasalamin din ng teleseryeng ito ang ilan sa mga pressing issues sa ating bansa. Isa na rito ay ang dilema ng bulok na sistema ng hustisya sa bansa na madalas tanging mga mayayaman at may mga kapangyarihan lamang ang siyang may kakayahan na makamit ang “tunay” na hustisya at napaiikot nila ang batas sa kanilang mga palad. Isa sa mga naging instrumento ng seryeng ito upang epektibong maipakita sa mga manunuod ang social inequality at class struggle ay ang tensyon at alitang namuo sa pagitan ng mayaman at makapangyarihang Pamilya Fiero at sa pamilya ng karakter na si Alexa Salvacion. Sa dalawang pamilyang ito umiikot ang buong kuwento tungkol sa paghingi ng hustisya ng pamilya ni Alexa para sa hindi makatarungang pagkamatay ng kanilang mga kaanak at ang pagkaganit sa yaman at impluwensiya ng mga Fiero, tulad ng kinahantungan ng mga biktima ng extrajudicial killing o EJK; walang kalaban-laban sa malakas na pwersa ng mga pulis. Ang mga biktima, tulad na lamang ng binatilyong si Kean de los Santos, ay napagbintangan lamang, ni walang official warrant of arrest o due processing ang naturang pagkakasangkot ng binata sa iligal na droga.

Bukod sa isyu ng justice system, class struggle at social inequality, naging repleksyon din ang seryeng Dirty Linen sa matagal na at lumalalang problema ng korapsyon sa bansa na patuloy na nagpapahirap sa ating mga Pilipino. Kung matatandaan natin ang mga isyu sa gobyerno ng korupsiyon tulad ng katakatakang maharlika funds na minamadaling ipasa at ang confidential fund ng Office of the Vice President na parehas walang naging kaakibat na transparency kung para saan nilalayung gamitin ang malaking halaga ng pera. Inilalarawan ng mga Fiero sa seryeng Dirty Linen, ang mga ganid na taong impluwensyal at makapangyarihan na ginagamit ang kanilang posisyon, yaman, at mga koneksyon upang ipagbuti lamang ang kanilang mga makasariling agenda. Katulad na lamang kung paano inabuso ng pamilya Fiero ang kanilang katayuan sa buhay upang suhulan ang pwersa ng kapulisan para maitago ang mga kinasasangkutan nilang krimen at manatiling lihim ang kanilang mga ilegal na negosyo.

Isa rin sa mga isyung panlipunang binigyang repleksyon ng serye na ito ay ang mga nagaganap na pambubully sa mga eskwelahan sa pagitan ng mga mag-aaral. May mga eksena sa teleserye kung saan si Niko Salvacion, na ginagampanan ni Seth Fedelin, ay madalas kinukutya ng kaniyang mga kamag-aral dahil sa ito ay mahirap. Sa kasawiang palad, ang mga ganitong pangyayari ay nararanasan ng ilang mga mag-aaral sa tunay na buhay. Ayon sa DEPED (Department of Education), mayroon ng humigit kumulang 2,600 estudyante kada taon ang nakakaranas ng pambubully sa paaralan at may mga iilan pang mas pinipiling manahimik sa takot na mahushagan o lalong mapag-initan, at ang iba naman ay kinukuha ang kanilang sariling buhay dahil sa matinding pagka-epekto nito sa kanilang pangkaisipan na kalusugan.

Iminulat din tayo ng serye na ito sa imposisyon ng diskriminasyon sa kasarian. Isang magandang paglalarawan nito sa teleserye ay ang eksena kung saan ang ina ng mga Fiero na si Leona, ay nagkaroon ng pagtingin sa kanilang abogado na si Attorney Olga Argueles. Ang mapait na reaksyon ng mga karakter sa pangyayaring ito ay isang patotoo na mayroon paring mga tao ang hindi matanggap at magawang respetuhin bilang tao ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Kung matatandaan natin, naging maingay na usapin ang isyu sa SOGIE Bill na tinutulan ng ilang mga politiko at maging ng maraming mga kapwa natin Pilipino. Isa pa sa isyung kinahaharap ng LGBTQIA+ community ay ang mga panliligalig, pang-aabuso, at walang habas na pagpaslang sa mga gaya naming parte ng bahagharing komunidad. Ang isyu ng diskriminasyon ay isang stigma na hindi mawala wala sa ating bansa dahil na rin sa ating kinalakihang kultura at tradisyon kaya hirap na tanggapin ng buo sa ating bansa ang mga parte ng LGBTQIA+ community. Ang isyu ng diskriminasyon sa bansa ay maihahalintulad sa mantsyang kahit ano man ang ating gawing kuskos at linis, ay hindi maalis.

Ang sining ng paggawa ng pelikula at paglalahad ng kuwento ay may ginaganap na makabuluhang papel sa paghubog, pagpapatibay, at paglalarawan sa estado ng realidad na ating ginagalawan. Bukod sa teleseryeng Dirty Linen, may iba pang mga gawang Pinoy na mga teleserye at pelikula ang makahulugang sinisimbolo ang mga problemang panlipunan na ating kinahaharap. Katulad na lamang ng pelikulang Dekada Sisenta na naglalarawan sa mga kaganapan noong panahon ng Martial Law. Naging usap-usapin ito bagaman na tinalakay nito ang korapsyon at mga katiwalian noong panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., taliwas sa kaalaman ng marami sa atin.

Ang teledramang Dirty Linen ay tinutukan ang iba’t ibang isyung panlipunan na hanggang ngayon ay araw-araw na hinaharap at tinitiis ng ating bansa, kung saan ang mabibigat na tanikala ay tila hindi natin magawang pakawalan sa kabila ng maraming pagtatangka. Ang malungkot na mga katotohanan ng ating buhay sa modernong lipunan ay tunay na sinalamin sa mundong nilikha ng seryeng ito sa telebisyon. Nagsilbing salamin ang teleseryeng ito sa tinaguriang bagong huwad na lipunan na sana ay naging matagumpay sa pagpapatunay na may sakit ang ating lipunan.

Isinulat ni Brianna Perez
Pubmat gawa nina Bianca Corporal at Dea Seranilla